KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawa katao ang binawian ng buhay habang apat naman ang sugatan sa nagpapatuloy na away sa pagitan ng dalawang angkan sa Midsayap, North Cotabato.

Ayon kay Major Arvin Encinas, spokesperson ng 6th ID Philippine Army, matagal nang away sa pagitan ng dalawang Moro clans ang pinagmulan ng engkwentro na nagresulta na rin sa paglikas ng mahigit 500 pamilya sa takot na madamay sa kagulugan.

Agawan sa lupa umano ang puno’t dulo ng away sa pagitan ng pamilya Macarimbor at Taha na pawang mga Maguindanaon sa Barangay Tumbras, Midsayap, North Cotabato.

Sa ngayon, pumagitna na ang mga sundalo at pulis upang hindi na tumagal pa ang palitan ng putok sa magkabilang panig.

Pinagsisikapan naman umano ng mga opisyal sa lugar na maresolba ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig.