-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nahulog sa gilid ng daan ang dalawang pampasaherong bus sa barangay Palattao kaninang madaling araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Senior Fire Officer 2 Jess Soriano, chief of operation ng Naguilian Police Station na ang dalawang bus ay kinabibilangan ng Victory at Dalin Liner na parehong mula sa Metro Manila.

Binabagtas ng dalawang bus ang North direction at nauuna ang Victory Liner.

Ayon aniya sa tsuper ng Victory bus, biglang dumulas ang daan at nabunggo nito ang poste ng kuryente kaya nahulog sa palayan.

Pagdating ng Dalin bus ay nakita umano ng tsuer na may nakalaylay na kawad ng kuryente sa daan at pumulupot ito sa gulong ng bus kaya sumalpok sa isang tindahan.

Nagpapasalamat naman ang BFP Naguilian dahil walang nasugatan sa pangyayari.

Wala rin aniya ang may-ari ng tindahan sa loob kaya walang nadamay.

Ayon kay SFO2 Soriano, hindi naman mabilis ang pagpapatakbo ng dalawang tsuper ng bus pero dahil sa madulas ang daan bunsod ng pag-ulan kaya nangyari ang aksidente.