Sumulat ngayon kay Senate President Vicente Tito Sotto III ang dalawang opisyal ng Philhealth para ipaalam na hindi sila makakadalo sa pagdinig kaugnay ng katiwalian sa ahensiya.
Ang kampo ni PhilHealth chief Ricardo Morales ay nagpadala mismo ng kopya ng medical certificate sa Senate Committee of the Whole.
Base sa medical certificate ng opisyal, sumasailalim daw kasi ito sa chemotheraphy sa Cardinal Santos Medical Center at inadvice ng doktor na mag-leave dahil vulnerable ito sa infection.
Ang 67-anyos na si Morales ay na-diagnose daw ng Diffuse Large B cell Lymphoma at kailangan niyang sumalang sa anim na cycle ng treatment.
Maging si PhilHealth executive vice president (EVP) & Chief Operating Officer (COO) Arnel de Jesus ay sumulat din sa Senado para ipaalam na hindi ito makakadalo sa ikalawang pagdinig sa Martes dahil daw sa “unforeseen emergency.”
Nagpadala rin si De Jesus ng medical certificate mula sa Asian Hospital and Medical Center.
Tiniyak naman ni De Jesus na magpapakita ito sa pagdinig sa Senado kapag bumuti na ang kanyang kalagayan.
Hiniling din nitong irespeto raw sana ang kanyang privacy sa panahong ito.