-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Patay ang dalawang lalaki matapos magbanggaan ang kanilang sinasakyang motorsiklo at kulong-kulong sa Pintor, Gamu, Isabela

Ang mga motorsiklong sangkot ay isang Rusi 125 na kulay itim na minamaneho ng 14 anyos na lalaki, estudyante at residente ng Purok-7, Mabini, Gamu Isabela.

Habang ang Honda TMX na mayroong improvised sidecar o kulong kulong ay minamaneho ni Celso Uy, 60 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Pintor Gamu Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Gamu Police Station, ang naturang mga sasakyan ay binabagtas ang magkasalungat na direction sa Brgy Pintor Gamu.

Mabilis ang takbo ng motorsiklong minamaneho ng mag-aaral at umagaw ng linya ng kulong kulong na minamaneho ni Uy na dahilan ng kanilang banggaan.

Dahil sa lakas na impact, ang dalawang tsuper ay nagtamo ng malubhang sugat sa kanilang katawan.

Agad dinala sa pagamutan ng mga tumugon na kasapi Dart Rescue ngunit dead on arrival si Uy at namatay ang binatilyo habang nilalapatan ng lunas sa ospital .

Maulan nang mangyari ang aksidente at wala ring suot na helmet ang estudyanteng menor de edad.

Ang motorsiklo at kulong kulong ng dalawang motorista ay nasa pangangalaga ng Barangay Pintor, Gamu kung saan maaring kunin ng pamilya ng mga biktima.