BUTUAN CITY – Ligtas na ang kalagayan ng limang katao matapos na sagipin ng Philippine Coast Guard kasunod nang pagtaob ng dalawang motorbancas na kanilang sinasakyan.

Alas-2:30 kahapon nang maglayag ang pumpboat “MARLIE” galing sa Brgy. Canlanipa ng Surigao City at pauwi na sana sa Sitio Buyho, Brgy. San Jose, sakay sina Losmar Pontevedra, 30; at Marlon Pontevedra, 19.

Habang nasa bisinidad na ng Rasa Island sa Surigao City, lalawigan ng Surigao del Norte ay bigla na lamang nagliyab ang makina ng motorized pumpboat.

Kaya nagdesisyon dalawa na itaob na lamang ang motorbanca na kanilang sinasakyan upang maapula ang apoy.

Bandang alas-6:00 na ng gabi nang dumating ang pumpboat “IVYLYN” na siyang naghila sa tumaob na motorbanca patungo sana sa baybayin ng Sitio Buyho, Brgy. San Jose ng Surigao City subalit dahil sa malakas na paghampas ng alon ay maging ito ay tumaob na rin.

Nagpalutang-lutang na lamang habang nakahawak sa katig ang mga biktima kasama na ang mga sakay ng pumpboat “IVYLYN na sina Rommel Ruaya, 29; Leyjone Fijo, 25; at Ivy Alvarez, 30,na pawang mga residente ng Brgy. Canlanipa, Surigao City.

Kaagad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard Quick Response Team kasama ang mga kawani ng BFAR-MCS 3005 at matagumpay na naligtas ang mga biktima pasado alas-9:18 ng gabi.

Dinala ang mga ito sa Caraga Regional Hospital para sa karagdagang atensyong medikal.

Ang mga survivors ay nasa maayos na kalagayan maliban sa natamong minor na mga paso ng dalawang Pontevedra.