-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Isinailalim sa granular lockdown ang dalawang sitio sa Barangay Bakhaw, Norte, Kalibo, Aklan.

Ito ay matapos ideklara ng Provincial Health Office (PHO-Aklan) ang kauna-unahang local transmission makaraang mag-positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang babayeng staff ng Aklan provincial hospital na residente ng naturang lugar.

Ipinatupad ang lockdown kahapon dakong alas-6:00 ng gabi, Setyembre 11, at tatagal ng tatlong araw.

Ngunit ayon kay barangay chairwoman Maribeth Cual, kapag may nag positibo sa mga kinunan ng swab sample na nakasalamuha ng pasyante ay maaring palalawigin pa ito.

Kabilang sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdown ang Sitio Ilaya at Sitio Liboton B.

Todo bantay sa naturang lugar ang mga pulis upang masigurong mananatili sa kani-kanilang tahanan ang mga residente.

Ang mga barangay tanod naman ang bumibili ng mga mahahalagang kagamitan para sa mga residente.

Maliban dito, pinalawig pa ang kanilang curfew hour na alas-6:00 ng gabi haggang alas-6:00 ng umaga.

Positibo naman si Kapitan Cual na makatutulong ang granular lockdown upang huwag nang kumalat ang kaso ng COVID-19 sa lugar.

Nabatid na nahawaan rin ng pasyente ang anim pang mga katrabaho nito sa ospital na kasalukuyang naka-facility quarantine sa Brgy. Old Buswang, Kalibo.