CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal Gambling act) ang dalawang lalaki matapos maaktuhang nagsusugal sa barangay San Antonino, Burgos, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa IPPO, ang mga nadakip ay itinago sa mga pangalang Macel, 48 anyos, may asawa, isang tubero at Simeon, 59 anyos, karpintero, kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Nakatakas naman ang kanilang kasamang nagsusugal na itinago sa pangalang Jenny at Romar.
Batay sa Report ng Burgos Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang Concerned Citizen ukol sa nagaganap na pagsusugal sa nabanggit na barangay .
Agad na tumugon ang mga pulis at naaktuhang nagsusugal ang mga pinaghihinalaan.
Nasamsam nila ang dalawang plastic chairs, isang wooden stool , isang set ng baraha at limang daang pisong bet money.
Nasa kostodiya na rin ng Burgos Police Station ang mga pinaghihinalaan at inihahanda na ang kaso laban sa kanila.