-- Advertisements --

Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang dalawang indibidwal kabilang ang isang dating pulis matapos ang isinagawang buybust operation dakong alas 11 kagabi, Enero 11, sa Sitio Molave, Brgy. Tabunok Talisay City, Cebu.

Kinilala ang mga naaresto na sina Susibio Blasa Narciso, 61 anyos, dating pulis at residente ng Sitio Mangga Brgy. Mambaling nitong lungsod ng Cebu at ang live-in partner nito na si Esmeralda Pacaldo Esmeña, 59 anyos.

Nakumpiska mula sa posisyon ng mga ito ang humigit-kumulang 70 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P476, 000.

Isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Talisay City Police Station at Cebu Police Provincial Office ang operasyon matapos nakatanggap ng ulat sa pagkakasangkot ng dalawa sa ilegal na droga.

Base sa ulat, na-dismiss sa serbisyo si Narciso noong taong 1998.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy naman ang isinagawang follow-up investigation ng Talisay PNP at walang humpay na anti-illegal drugs operations upang matukoy ang source sa droga ng mga ito at malaman ang iba pang personalidad na konektado sa mga suspek.