Isinumite na ng Department of Justice (DOJ) para sa resolution ang dalawang karagdagang kaso laban sa mga suspek na sangkot sa umano’y hazing na ikinasawi ng chemical engineering student ng Adamson University na si John Matthew Salilig.
Ito ang inihayag ng legal counsel ng isa sa mga respondent na si Atty. Fernando Perito na kinumpirma din ng legal counsel para sa Philippine National Police (PNP).
Magkahiwalay na inihain ang nasabing complaints nina Earl Justine Abuda, alias Bin Laden, at Alexander Marcelo, alias Lee, na parehong kasama ni Salilig nang mangyari ang welcoming rites ng Tau Gamma fraternity at kasama ding naghain ng complaint ang kapatid ni Salilig na si John Michael at ang neophyte ng fraternity na si Roi Dela Cruz.
Magugunita na noong Marso, kinasuhan ng DOJ ang mga miyembro ng Tau Gamma na sina Earl Anthony Romero, Jerome Balot, Sandro Victorino, Michael Lambert Ricalde, Mark Pedrosa kabilang ang master initiator na si Daniel Perry at grand triskelion na si Tung Cheng Teng dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 2018.
Una rito, natagpuan ang bangkay ng 24 anyos na hazing victim na si Salilig na inilibing sa isang mababaw na hukay sa masukal na lote sa Imus, Cavite noong Pebreri 28, 10 araw matapos na mapaulat na nawawala.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado noong nakalipas na buwan, ibinunyag ng isang testigo na nagpasya ang mga miyembro ng fraternity na huwag ng dalhin si Salilig sa ospital matapos na makaranas ito ng kombulsyon sa isinagawang initiation ng fraternity.