ROXAS CITY – Kritikal ang dalawang babae matapos pinagsasaksak at pinagtataga ng 14-anyos na binatilyo na tangkang magnakaw sa loob ng bahay sa Sitio Santa Ana, Barangay Binuntucan, Pontevedra, Capiz.
Kinilala ang mga biktima na sina Helen Opina, 50-anyos at Analyn Quintos, 42-anyos na residente ng nasabing lugar.
Ayon kay alyas Inday na duguan na nagpasaklolo si Analyn dahil pinagsasaksak at pinagtataga ng suspek si Helen.
Hindi na nagdalawang isip si alyas Inday na puntahan ang bahay ni Helen at dito kaniyang nadatnan na duguan ang biktima at nakita ang suspek na may dalang espading at gunting na posibleng ginamit nito sa pananaksak at pananaga.
Sa ngayon patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad si Alyas Jordan dahil mabilis na nagtago sa tubuhan matapos nangyari ang insidente.
Samantala, umaapela ngayon ang lola ng suspek sa kaniyang apo na sumuko na lamang sa mga otoridad at harapin ang ginawang pananaksak at pananaga sa mga biktima.