NAGA CITY – Titiyakin umano ng Camaligan Municipal Police Station na tuluyang makulong ang dalawang suspek na nakuhanan ng mahigit P1 million halaga ng pinaniniwalaang shabu sa Camaligan, Camarines Sur.
Kung maaalala, Sabado, Oktubre 23, 2021 nang ikasa ng mga otoridad ang buy-bust operation laban kina Gil San Buenaventura, 52 at Armando Del Rosario, 51, kapwa residente ng Brgy. San Roque sa nsabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Capt. John Angelo Romeroso, hepe ng Camaligan Municipal Police Station, sinabi nitong hindi maaaring makapagpiyansa ang mga suspek dahil sa ilang gramo ng iligal na droga ang narekober sa mga ito.
Ayon kasi sa opisyal, humigit-kumulang 100 gramo ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska kay Del Rosario habang nasa 46 na gramo naman ang narekober kay San Buenaventura.
Ang nasabing mga iligal na droga ang maliban pa sa 25 gramo na binili ng nagpanggap na poseur buyer mula sa naturang mga suspek.
Kung susumahin, tinatayang nasa 171 grams ng droga ang nakumpiska mula sa dalawang suspek na nagkakahalaga ng nasa P1,088,000.
Sa ngayon, mas tututukan aniya ng mga otoridad ang mismong nagsusuplay sa mga drug posuer.