Asahang sasalang pa ang ilang testigo sa susunod na pagdinig kaugnay ng drug possession case na kinasasangkutan ng anak ni Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na si Juanito Remulla III.
Kasunod na rin ito nang pagrtestigo ng dalawang chemists mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ipinatawag na hearing ng Las Piñas City court kaugnay ng naturang kaso.
Maliban sa mga chemist, bitbit din ng PDEA representatives ang box kung saan isinilid ang kush o high-grade marijuana na siyang ebidensiya sa imbestigasyon.
Dumalo naman ang nakababatang Remulla sa hearing ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 197 sa pamamagitan ng videoconference sa loob ng Las Piñas City Jail kung saan ito nakapiit sa ngayon.
Pero ang kanyang abogado naman ang naging representative nito sa korte.
Si Remulla ay nahuli sa isinagawang controlled delivery operation ng PDEA ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Barangay Talon Dos, Las Piñas noong October 11.
Naghain naman ito ng not guilty plea sa drug possession charges noong nakaraang linggo.
Nahaharap din si Remulla sa reklamong importation of dangerous drugs at paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ang dalawang reklamo ay parehong sumasalang sa preliminary investigation ng Pasay City Prosecutor’s Office.
Sa isinagawang pagdinig noong Miyerkules ay hindi ito nagsumitie ng kanyang counter affidavit.