Kasalukuyang naka-isolate ngayon ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na sila ay may nakasalamuhang nagpositibo ng COVID-19.
Sa kaniyang social media account ay ibinunyag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat na ito ay naka-isolate dahil sa na-expose ito sa taong COVID-19 positive.
Bakunado na aniya ito at nakatanggap na rin siya ng kaniyang booster shots.
Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Giovanni Lopez na naka-isolate na rin ngayon si DOTr Sec. Art Tugade matapos na ma-expose sa COVID-19 positive na individual.
Hindi naman na nagbigay pa ito ng impormasyon kung nagpositibo ba siya sa COVID-19.
Ang dalawa ay siyang pinakahuling naka-isolate na cabinet members ng Pangulo na una ay sina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez matapos makasalamuha ang COVID-19 positive na tao.
















