Patuloy ang pag-ulan ng mga bagong rekord sa Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte matapos makapagtala ng panibagong kasaysayan ang mga batang atleta mula sa Central Luzon at Western Visayas.
Nailista ni Alfred Talplacido ng Central Luzon ang panibagong rekord sa secondary boys’ 400m matapos magtala ng oras na 48.10 segundo, lampas sa dating rekord na 48.7 segundo na nakuha noon ni Jomar Udtohan noong 2014.
Nasundan siya nina John Clinton Abetong ng CALABARZON na nagtala ng 48.61s at Kian Labar na may 48.92s, para sa silver at bronze.
Sa event ng discus throw, bumida si Josh Gabriel Salcedo ng Western Visayas (Antique) na may itinalang 45.52 metro, lagpas sa dating rekord na 42.86m na hawak ni Airex Gabriel Villanueva noong 2023.
Bagama’t nalampasan din ni Zachary Lawig ng Baguio ang dating rekord matapos magtala ng 43.92m, kinapos siya sa markang naitala ni Salcedo. Si Rolando Tingzon ng Samar naman ang tumapos ng bronze sa 41.99m.
Samantala tinalo rin ni Mico Villaran ng Bacolod ang 15-taong rekord para sa 110m hurdles, matapos makakuha ng 14.00 segundo sa palaro.