acg

Na-rescue ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang dalawang babaeng biktima matapos salakayin ang isang cyber sex den sa Pampanga.

-- Advertisement --

Arestado ang apat na suspeks na siyang nagpapatakbo umano sa nasabing cyber sex den.

Sa report ni B/Gen. Robert Rodriguez, director ng PNP ACG kay PNP chief Gen Debold Sinas, nakatanggap sila ng impormasyon na mayruong nagpapatakbo ng cyber sex den sa lugar dahilan para isagawa kaagad ang operasyon.

Isa sa apat na naaresto ay ang American national na nakilalang si Easton Scot Sanderson, 34.

Arestado rin ang recruiter ng mga biktima na si Jann Arielle Mondejar, 23, ng Brgy Malitlit, Sta. Rosa City, Laguna at ang dalawang nagsisilbing videographer na sina Reneilyn Robles, 22, ng Lawang Bato, Valenzuela City at Shirley Maartinez, 22, ng Brgy Sta Rita, Calbayog City, Samar.

Siniguro naman ni PNP chief na hindi titigil ang PNP sa pagtugis sa mga traffickers na nambibiktima ng mga babae para sa isang sexual exploitation.

Hinimok ni Sinas ang publiko na agad i-report sa mga otoridad kapag mayroong mga ganitong iligal na aktibidad.

Grupo ni Lt Col. Nelvin Ricohermoso ang sumalakay sa nasabing sex den na matatagpuan sa Unit JO3 Kandi Tower, Flora St., Brgy Malabanias, Angeles City.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, ni-recruit ni Mondejar ang dalawang biktimang babae para sa isang modeling at photo shoot.

Ngunit nang dinala na sila kay Sanderson ay pinilit ang mga itong makipagtalik sa kaniya habang kinukuhanan ng video nina Robles at Martinez para sa uploading sa iba’t ibang pornographic sites.

Makikipag-ugnayan ang PNP ACG sa FBI sa Maynila upang matukoy at imbestigahan ang mga pornographic sites kung saan ipinadadala ang mga sex videos na mga ito.

Nagbabala naman ang PNP ACG sa mga kababayan lalo na doon sa mga walang trabaho na mag-ingat sa mga indibidwal na nagre-recruit.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.