-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Bayani ngayon kung ituring ng isang pamilya sa Masbate City ang dalawa nitong alagang aso matapos na maging daan sa pagkaka-huli ng magnanakaw na pumasok sa kanilang tahanan.

Ayon sa dog owner na si Trisha Marie Buri sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, madaling araw na noong nakaraang linggo ng mapansin ang patuloy na pagtahol at kakaibang kilos ng mga alagang sina Roscoe at Smile subalit hindi umano agad ito binigyan ng atensyon.

Subalit nagpatuloy umano ang kakaibang mga kilos ng dalawa sa sumunod pang mga sandali kaya nagpasya siya na lumabas at may narinig na kaluskos sa sala.

Kwento ni Buri na wala naman siyang nakitang kakaiba sa labas kaya pilit na pinakalma ang mga alagad aso subalit ng magtungo ang mga ito sa kusina ay nadiskubre ang isang lalaki na pinaniniwalaang magnanakaw.

Matapos na alertuhin ng naturang pamilya ang mga kapitbahay ay agad itong nahuli at dinala sa kapulisan.

Nadiskubre naman ng mga magulang nu Trisha ang isang cellphone, sunglasses at sumbrero sa ilalim ng cabinet sa kusina.

Nang buksan ang cellphone ay nalaman na pagmamay-ari ito ng kapitbahay na posibleng una na umanong pinasok ng suspek.

Samantala, dahil sa pangyayari ay pinayuhan ni Trisha ang mga kapwa pet owner na ituring na pamilya ang kanilang mga alaga dahil likas na sa mga ito ang pagtulong sa kanilang mga amo.