CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang dalawang sundalo sa pagsalakay ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang dalawang sundalo ay mga tauhan ng 57th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade na sinalakay ng BIFF ang tropa ng 57th IB na nagbabantay sa quarantine checkpoint sa Barangay Talibadok, Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.
Agad namang nakaganti ang mga sundalo sa grupo ng Dawlah Islamiya Terror Group ng BIFF na nagresulta sa halos isang oras na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Umatras ang BIFF nang matunugan nito ang karagdagang pwersa ng militar.
Dalawang mga sundalo ang nasawi, tatlo ang nasugatan habang hindi matiyak sa kampo ng BIFF.
Kinondena naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief Major General Diosdado Carreon ang pag-atake ng BIFF sa quarantine checkpoint ng mga sundalo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng militar laban sa BIFF sa Datu Hoffer, Ampatuan.