-- Advertisements --

Iginiit ng isang opisyal mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi kailanman ginamit ng administrasyon ang 28-taon na kasunduan sa pagitan ng ahensya at University of the Philippines (UP) para ipadala ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa naturang paaralan.

Ito ay alinsunod na rin sa ginagawang pagtugis ng mga otoridad sa umano’y ginagawang recruitment ng mga komunistang grupo sa loob ng campus.

Binigyang-diin ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na kayang-kaya ring gawin ng ahensya ang pag-abrogate sa 1992 agreement tulad ng unang ginawa ng Department of National Defense (DND).

Noong Enero 20 ay ipinaliwanag ni DND Sec. Delfin Lorenzana na ang abrogation sa naturang kasunduan ay hindi pag-atake sa UP, ngunit dahil daw ito sa tila pagiging safe haven na ng unibersidad para sa mga kaaway ng bansa.

Ayon kay Malaya, ang DILG at UP management ay kailangang magsagawa pa ng pag-uusap kung mayroon pang isyu ang parehong panig sa kasunduan.

“If the University of the Philippines (UP) management can prove and can commit and prove that the existing security arrangements at the university are enough and sufficient then there is nothing to talk about. In so far as the security (inside the UP campus) is concerned,’’ wika ni Malaya.

Kamakailan lamang ay nangako ang DILG at UP na maglulunsad ito ng extensive review sa 1992 agreement para tiyakin ang seguridad ng bawat campus sa unibersidad nang hindi nakokompromiso ang academic freedom at right to free speech ng mga empleyado at estudyante nito.