Kinumpirma ng Filipino American community leaders na nasa 18 Pilipinong manggagawa ang pwersahang pinaalis nang nakaposas sa ikinasang raid sa isang cruise ship na nakadaong sa Port of Norfolk sa Virginia, USA.
Pina-deport ang mga ito sa Pilipinas at pinagbawalang muling makapasok sa Estados Unidos sa loob ng 10 taon.
Ayon pa sa National Federation of Fil-Am Associations at Pilipino Workers Center, nangyari ang naturang raid kamakailan lamang sa Carnival Sunshine cruise line na ikinasa ng mga ahente ng US Customs and Border Protection.
Sa joint statement ng mga ito, kanilang sinabi na walang kaso o hindi guilty sa anumang krimen ang mga nasabing Pilipinong manggagawa na tinanggal aniya sa hindi makatarungang paraan.
Iginiit din ng 2 grupo na mayroong 10-year valid visa ang mga manggagawang Pilipino at mayroon silang magandang backgrounds at pumasa sa masusing background checks para makakuha ng kanilang work visas.
Kaugnay nito, sinabi ng grupo na nagpahayag ng galit ang community members sa tahasang hindi makatarungang pagtrato sa mga manggagawang Pilipino at dinemand ang pananagutan mula sa Customs and Border Patrol, Carnival Corporate at Philippine Embassy para maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino at iba pang cruise ship seafarers.