-- Advertisements --

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa Indonesia ngayong Linggo sa walong nawawalang manggagawa matapos ang pagguho ng bato sa isang minahan sa Cirebon, West Java.

Umabot na sa 17 ang kumpirmadong nasawi habang anim ang sugatan, ayon sa Basarnas search and rescue agency.

Ayon sa mga opisyal, delikado ang lugar ng insidente at hindi umano sumusunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa ang kumpanya.

Ipinahayag ng Gobernador ng West Java na si Dedi Mulyadi na kailangang higpitan ang regulasyon sa mga minahan.

Sinimulan na rin ng Ministry of Energy and Mineral Resources ang imbestigasyon ukol sa pinagmulan ng sanhi ng trahedya. Ayon sa Geological Agency, malambot ang lupa sa lugar at may matarik na bangin, na anila delikado kapag umuulan.

Nagbabala rin ang mga eksperto na maaaring maulit ang pagguho, kaya pinapayuhang mag-ingat ang mga rumespondeng tauhan, lalo na tuwing tag-ulan.