Maaaring hindi na kailangang hintayin ng mga botanteng Pilipino ang halalan sa 2028 upang masuri kung karapat-dapat maging pangulo si Vice President Sara Duterte, dahil magsisilbi na umanong batayan ang kasalukuyang impeachment case laban sa kanya.
Ayon kay House Justice Committee Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, mahalaga na ang mga nagnanais sa mataas na posisyon ay maipakita ang pananagutan, na kabaligtaran ng impunity o kawalan ng pananagutan.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat bantayan ng publiko ang proseso ng impeachment, lalo na’t nagpahayag na si VP Sara ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Noong Marso 18, idineklara ng komite na may sapat na basehan ang dalawang natitirang reklamo, at itinakda ang pormal na pagdinig o hearing proper sa araw ng Miyerkules, Marso 25.
















