MANILA – Aabot na sa 1,600 empleyado ng House of Representatives ang nabakunahan laban sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Ito ang inanunsyo ni Bataan Rep. Jose Enrique Garcia III, na siyang pinuno ng House CongVax Program.
Nitong buwan nagsimula ang pagbabakuna sa mga empleyado ng Mababang Kapulungan, at target daw nito na mabakunahan ang nasa 25,000 na empleyado, pati ang kanilang pamilya.
Kabilang aniya sa mga nabakunahan nang House employee ang mga nasa A2 o senior citizen, at A3 o may comorbidity na mga indibidwal.
“Ang target po natin na mabakunahang employees, including families, ang target nasa 25,000. Nagstart na ng May 11,” ani Garcia sa panayam ng DZBB.
Nasa P50-milyong halaga ng bakuna ang inilaan ng Kamara para maturukan ang kanilang mga empleyado. Ang bakuna ng Novavax ang kanilang binili.
Ayon kay Garcia, posibleng sa July pa dumating ang shipment ng biniling bakuna ng Lower House.
Bago ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, target ng Kamara na mabakunahan na ang lahat ng kanilang mga empleyado.