-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senator Francis “Chiz” Escudero, na nahalal bilang presiding officer ng Senado na tatayong impeachment court, na kinakailangan ang hindi bababa sa 16 na boto ng mga senador upang mahatulang guilty si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Sa kanyang mensahe matapos tanggapin ang posisyon nitong Lunes, sinabi ni Escudero na malinaw sa Konstitusyon na walang opisyal na maaaring mahatulan sa isang impeachment trial nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng kabuuang miyembro ng Senado.

“With 24 members of the Senate, a literal interpretation of this means that conviction requires the affirmative vote of at least 16 senator-judges,” ani Escudero.

Ipinaliwanag niya na ang interpretasyong ito ay naaayon din sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Bayan v. Zamora noong 2000, kung saan tinalakay ang kinakailangang two-thirds vote ng Senado.

Dahil dito nararapat aniyang sundin ito upang hindi makaapekto sa karapatan ng respondent at ng taumbayan.

Iginiit pa ng senador na tungkulin ng bawat senador na magsisilbing hukom na sundin ang umiiral na batas, anuman ang kanilang personal na pananaw.

“This is the prevailing law today. And whether we agree with it or not, we must abide by it,” saad pa ni Escudero.

Nauna rito, nahalal si Escudero bilang presiding officer ng impeachment court sa botong 12 pabor at walo ang tumutol. Pinamunuan na rin niya ang impeachment court noong 2025 habang siya ang Senate President.

Pinaalalahanan din niya ang kanyang mga kapwa senador na pairalin ang pagiging patas at walang kinikilingan sa pagdinig ng kaso alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.

“As presiding officer, I shall do my part to uphold the fairness and integrity of this process, and shall see it through to its proper conclusion,” ani Escudero.