LEGAZPI CITY – Muling nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa pagsunod sa road safety measures sa anumang oras.
Kasunod ito ng aksidente na sangkot ang isang pribadong van at pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Maharlika Highway sa San Isidro, Castilla, Sorsogon na nagresulta sa pagkamatay ng isang mula sa Cainta, Rizal at 15 naman ang sugatan.
Ayon kay LTO Sorsogon chief Grace Rojas, colorum ang van na pinaniniwalaang lumusot sa border control ng Bicol at mula pa sa Metro Manila patungong Samar na dadaan sana sa Matnog port.
Sa hiwalay na panayam naman kay Maj. Jeronie Fartingca, hepe ng Castilla PNP, nasa kustodiya na ng kapulisan ang van driver na posibleng maharap sa patong-patong na kaso.
Ayon pa sa hepe, reckless driving ang nangyari matapos na mawalan ng kontrol sa manibela ang van driver sa madulas na kalsada dulot ng mga pag-ulan hanggang sa kainin ang linya at sumalpok sa kasalubong na jeep na may rutang Sorsogon-Cumadcad.
Paalala naman nito na tiyakin muna ng driver ang proper maintenance ng sasakyan, sumunod sa standard speed limit at suriing maigi ang sarili upang iwas-aksidente.