-- Advertisements --

AYUNGON, NEGROS ORIENTAL – Nagsagawa ng simpleng seremonya noong Pebrero 19, 2023, ang mga sakop ng 94 Infantry Battallion sa kanilang headquarters sa Brgy Tambo, Ayungon, Negros Oriental upang pormal na tanggapin ang 15 miyembro ng NPA sa pagbabalik-loob ng mga ito sa pamahalaan at sa kanilang mga pamilya.

Kasabay ng kanilang pagsuko, dala ng mga ito ang isang M4 rifle, dalawang cal.38 revolver, isang homemade shotgun at isang rifle grenade.

Ibinunyag pa ng mga ito na pinag-iisipan nilang magbalik-loob na sa pamahalaan matapos maranasan ang kabaligtaran ng ipinangako sa kanila kung saan nakakaramdam ang mga ito ng kakulangan ng moral bukod pa sa hindi mabata na kagutuman habang patuloy na iniiwasan ang mga tropa ng gobyerno.

Bukod pa rito, naaawa sila publiko na tulad nila, ay may kakaunting pinagkukunan ng pagkain ngunit napipilitang magbigay sa mga komunistang grupo dahil sa kanilang pangingikil.

Lubos rin umanong napagtanto ng mga ito na ang organisasyong kanilang kinasasangkutan ay walang kinabukasan para sa kanila at sa kanilang mga pamilya.

Naramdaman din umano nila ang sinseridad ng pamahalaan dahil ang kanilang mga dating kasamahan na sumuko at nag-avail ng mga programa ng gobyerno ay namumuhay na ng mas maayos at mapayapa.

Sa panig ng mga otoridad, isa pa umanong matapang na hakbang ang ginawa ng mga sumuko at tama lang umano ang kanilang desisyon dahil mga biktima lang din naman umano ang mga ito ng mga propaganda lies at mapanlinlang na recruitment ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Patuloy namang hinimok at nanawagan ang tropa ng pamahalaan sa mga natitirang miyembro ng lokal na komunistang-teroristang grupo sa isla ng Negros na bumalik na sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagsuko at pagdadala ng kanilang mga baril at pag-avail ng Enhanced- Comprehensive Livelihood Integration Program (E-CLIP).