MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na may ilang healthcare workers pa rin ang hindi nababakunahan laban sa COVID-19, kahit sila ang pinaka-una sa vaccine priority list.
Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, nasa 15% ng medical frontliners sa bansa ang hindi pa nakakatanggap ng kahit unang dose ng bakuna.
Karamihan daw sa mga hindi pa nababakunahan ay ang mga barangay health workers at miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa mga probinsya.
“Medyo nag-aatubili pa sila… kailangan talagang kumbinsihin.”
Sa National Capital Region, 91% ng mga healthcare workers na raw ang naturukan ng vaccine dose.
Batay sa datos ng DOH, mula sa 1,340,337 medical frontliners sa buong bansa na naturukan ng first dose, mayroong 581,797 na “fully vaccinated” o nabigyan na ng second dose.
Bukod sa mga healthcare workers, hamon din daw sa Health department na kumbinsihin ang senior citizens na magpabakuna.
Sa ngayon, 12% pa lang mula sa 1.1-million senior citizens na nasa masterlist ang nababakunahan.
Katumbas nito ang 1,174,191 na naturukan ng first dose, at 195,952 na nabigyan na second dose.
Mula nang mag-umpisa ang bansa sa COVID-19 vaccination, aabot na sa 4,495,375 doses ng bakuna ang naiturok ng pamahalaan.
Mula rito, 3,466314 ang first dose, at 1,029,061 ang second dose.