MEXICO CITY – Tinatayang nasa 13 katao ang patay habang pito ang sugatan sa pamamaril sa isang bar sa Guanajuato state sa Mexico nitong Sabado (local time).

Batay sa inisyal na ulat, isang grupo ng armadong mga kalalakihang sakay ng tatlong van ang bigla na lamang namaril sa La Playa Men’s Club sa siyudad ng Salamanca.

Sa ngayon, hindi pa batid kung sino ang gumawa ng krimen.

Nabatid na ang makapangyarihang mga oil theft gangs ay nakapagnakaw na ng malaking kantidad ng fuel mula sa oil refinery ng Salamanca.

Nitong nakalipas na linggo nang maglunsad ng opensiba si Mexican President Andres Manuel Lopez Obrador upang madakip ang local gang leader na si Jose Antonio Yepez, na kilala rin bilang “El Marro.” (Reuters)