-- Advertisements --

cidg5

Tinatayang 13 matataas na kalibre ng armas at 11 kilo ng dried marijuana leaves ang nasabat ng PNP (Philippine National Police)-Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang raid sa Barangay Longos, Malolos City, Bulacan.

Kinilala ni PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang naarestong suspek na si Jason Relucio King.

Si King ay sinasabing miyembro ng sindikato at nagsusuplay ng mga armas sa private armed groups.

Sa paghahain ng search warrant laban sa suspek, nakuha sa kanya ang M16 assault rifle, shotgun, dalawang cal.22 rifles, isang 9mm submachine gun, walong handguns at samu’t saring bala ng baril.

Nakumpiska rin sa kanya ang marijuana na nasa P2.2 million ang halaga. Siya ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 para sa illegal possession of firearms, at RA 9165 para sa possession of illegal drugs.

Nabatid na dati nang nadakip ang suspek sa buy bust operation pero binasura ng korte ang kaso nito.

Samantala, dahil sa pagkakahuli kay King, ipinag-utos ng PNP chief ang mas maigting na kampanya laban sa loose firearms lalo pa’t nalalapit na ang halalan sa 2022.