-- Advertisements --
image 273

Madadagdagan pa ng 13 kaso ang isasampa ng mga otoridad laban sa mga suspek sa kasong pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa isang pulong balitaan ay sinabi ni Department of the Interior and Local Goverment Secretary Benjamin Abalos Jr. na nakatakdang madagdagan pa ang mga kasong isasampa laban sa apat na suspek na hawak ngayon ng mga otoridad at 12 lang John Does sa mga susunod na araw.

Kabilang sa mga ito ay isang murder, 9 na frustrated murder, at tatlong attempted murder.

Sa ngayon ay nasa kabuuang 17 kaso ang naisampa na ng mga otoridad laban sa mga suspek sa naturang krimen na kinabibilangan ng walong kaso ng murder, anim na kaso ng frustrated murder, isang kasong paglabag sa Republic Act 10591, at dalawang paglabag sa Republic Act 9516.

Habang aabot naman sa 27 ang bilang ng mga biktima sa nasabing pamamaril.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni PNP Chief PGEN. Rodolfo Azurin Jr. na naniniwala siyang dating mga sundalo ang iba pang suspek na patuloy na tinutugis ngayon ng kapulisyahan.

Ito aniya ay batay sa background ng apat na suspek sa krimen na una nang naaresto ng pambansang pulisya.

Ayon kay Azurin, hindi malayong miyembro ng gun-for-hire group ang naturang mga sundalong nasibak sa kani-kanilang mga serbisyo.

Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang mga otoridad na armed and dangerous ang mga suspek na kanilang tinutugis dahilan na rin kung bakit nagpadala na rin ng special operation team ang militar para tumulong sa naturang paghahanap.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni Azurin na naniniwala silang hindi pa nakakalabas ng Negros Oriental ang iba pang mga salarin sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Degamo.

Patuloy naman ang panawagan ni PNP Chief Azurin sa publiko na agad na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang kahina-hinalang tao sa kanilang kapaligiran, na siyang naging dahilan sa pagkahuli sa unang tatlong suspek.

Habang umapela naman si Abalos sa iba lang mga suspek na sumuko na mga pulis kasabay ng pagbabanta nito sa utak sa likod ng pagpapapatay kay Degamo na huwag nang tangkain pang manlaban sa mga alagad ng batas.