-- Advertisements --

Tinukoy na ng pamahalaan ang 12 vulnerable groups na prayoridad sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine, ayon sa House Committee on People’s Participation.

Ayon sa chairman ng komite na si San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes, ibinase ito sa guidelines ng World Health Organization Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE).

Ang mga ito ay ang mga frontline health workers mula sa mga pampubliko at pribadong sector, indigent senior citizens, nalalabing senior citizens, indigent population at uniformed personnel. 

Kasama rin ang mga guro at school workers mula sa mga pampubliko at pribadong institusyon, government workers, essential workers sa agriculture, food industry, transportation at tourism, socio-demographic groups at significantly higher risk gaya ng mga people deprived of liberty, mga may kapansanan at mga nakatira sa high density areas, overseas Filipino workers, pati na rin ang mga estudyante at iba pang mga manggagawa.

Sa pagdinig ng komite noong Miyekules, iniulat ni Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal ng DOH Bureau of International Health Cooperation na aprubado ni Pangulong Duterte ang paggamit ng P2.5 billion para sa pagpapabakuna sa 22 milyong Pilipino sa oras na available na sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine.

Ayon kay Sudiacal, gagamitin sa pamamagitan ng COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility ang alokasyon sa ilalim ng 2021 proposed national budget.

Sinabi ni Sudiacal na ang Covax facility ay isang sistema para sa sabayang pagbili ng iba’t ibang bansa ng bakuna kontra COVID, para matiyak din ang pantay na distribusyon nito hindi lamang sa mga mayayamang bansa kundi maging sa mga low middle-income countries.