-- Advertisements --

BUTUAN CITY — Matagumpay na nailigtas ng pulisya ang 12 menor de edad mula sa isang suspected cybersex den sa Butuan City, Agusan del Norte, matapos ang major police operations kahapon.

Kasama sa na-rescue ang mga nasa edad na isa hanggang tatlong taong gulang na “children at risk” at siyam na 11 hanggang 19-anyos na pinaniniwalaang pinilit na gumawa ng sexual acts.

Kapalit ito sa bayad na P2,000, P5,000 at P20,000 depende sa uri ng “show” na hihililingin ng online client dito sa Pilipinas at abroad.

Ang 28-anyos na dalagang residente ng Purok 5, Barangay Ambago nitong lungsod ay kinasuhan na ng child pornography dahil sa computer system o violation of Section 4 (c) (2) ng Republic Act (RA) 10175 o mas kilalang “The Cyber-Crime Prevention Act of 2012.

Kinasuhan na rin ito at ang kanyang live-in partner ng conspiracy.

Inilunsad ang raid base sa search at arrest warrant na ipinalabas ni Judge Isam Echem-Tangonan ng Branch 33, Regional Trial Court, 10th Judicial Region, Libertad.

Ayon sa Women and Children Protection Center-Mindanao Field Unit (WCPC-MFU), naglunsad na sila ng surveillance and case build-up laban sa suspek nito pang Disyembre sa pamamagitan ng cyberspace patrolling.

Nakumpiska rin mula sa sex den ang mga ebidensya sa krimen gaya ng iba’t ibang uri ng cellphone, identification cards, remittance cards, MLhuillier-Palawan-Cebuana Lhuillier receipts, lubricant, tablet at router.

Kabilang pa sa mga nakuha ang improvised long firearms, replica ng caliber 45; caliber 38 revolver na may anim na mga bala at mga bladed weapons.

Pinaniniwalaang pag-aari ito ng live-in partner ng suspek na ngayon ay dinala na sa Butuan City Police Station 3 para sa tamang disposasyon habang ang mga biktima naman ay nai-turnover na sa Department of Social Welfare and Development-13 para sa processing at evaluation.