-- Advertisements --

Nananawagan si House Committee on Games and Amusement chairman Rep. Jocelyn Tulfo sa Ehekutibo na magdeklara ng non-working holidays sa piliping lugar sa Pilipinas sa darating na Disyembre sa kasagsagan ng hosting ng bansa ng Southeast Asian Games 2019.

Inirekominda ni Tulfo na mula Disyembre 1 hanggang 11 ideklarang non-working holidays sa lahat ng mga probinsya at lungsod na venue ng mga laro sa SEA Games.

Subalit kung sa tingin aniya ng ehekutibo ay masyadong mahaba ang 11 araw, maari rin naman ayon kay Tulfo na gawin na lang itong tatlong araw.

Sinabi ng kongresista na puwedeng ideklarang walang pasok sa Disyembre 2, 6, at 11 upang sa gayon ay magkaroon aniya ng dalawang long-weekends.

“Isang paraan din ito upang makabawi tayo sa mga nag-trending na aberya nitong mga nagdaang araw noong dumating ang ating mga bisita,” ani Tulfo.

Idaraos ang mga laro sa SEA Games sa Clark, Pampanga; Zubic, Zambales; Metro Manila; at ilan pang mga lugar tulad ng Binan City; San Juan, La Union; Calatagan, Batangas; Santa Rosa City; Tagaytay at Imus, Cavite; at Los Banos, Laguna.