-- Advertisements --

Nakapagtala ng 1,091 bilang ng mga road crash incidents ang Department of Health (DOH) para yan sa kabuuang obserbasyon ng Holy Week nitong nagdaang linggo.

Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, ang datos ay naitala mula Marso 29 na siyang Palm Sunday hanggang Abril 2, Maundy Thursday.

Aniya, ang bilang na ito ay 150% na mas mataas kumpara sa naitalang 437 na road crash incidents nitong nagdaang taon ng 2025.

Sa kabila nito, inihayag naman ni Domingo na hindi ito nangangahulugan na dumarami ang mga aksidente sa daan bagkus ay posible anyang mas maraming mga ospital lamang ang mga nagbibigay ng kanilang ulat.

Dagdag pa ni Domingo, sa ibang perspektibo, mahalaga rin aniya ang mga natatanggap na pananaw ng publiko hinggil dito na pawang dahilan para makita kung ano pa ang mga dapat na iwasan para mapigilan ang mga ganitong aksidente sa lansangan.

Samantala, sa kabuuan ng datos, lumalabas na mas malaking bilang ang naitala sa Central Luzon na mayroong 196 habang sinundan naman ito ng Davao Region na mayroong 161 at Ilocos na mayroon namang 159.