-- Advertisements --

Magbubukas ng oportunidad para sa 10,000 manggagawa na biktima ng baha ni bagyong “Ulysses” sa Cagayan at Isabela ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, may basbas na ang mga opisyal ng dalawang lalawigan para mag-hire ng mga manggagawa sa ilalim ng cash assistance program na TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers).

Sa ilalim nito, maaaring mag-hire ng tig-5,000 tao ang provincial government ng Cagayan at Isabela na tutulong sa paglilinis at pagsasaayos muli ng kanilang lalawigan.

“Doon naman sa TUPAD, ito ‘yung emergency employment program, binigyan po namin ng authority si Governor Mamba na mag-hire ng 5,000 tao para maglinis at mag-ayos sa lalawigan ng Cagayan,” ani Bello sa isang press briefing sa Tuguegarao City nitong hapon.

“Ganundin ang ibinigay namin kay Governor Alabano ng Isabela na makapag-hire ng 5,000 workers para sila nag maglinis at mag-ayos ng lalawigan ng Isabela,” dagdag ng kalihim.

Una nang inanunsyo ng Department of Agriculture na may nakahanda na rin silang tulong para sa mga naapektuhang magsasaka ng rehiyon dahil sa pananalasa ng bagyong “Ulysses.”