-- Advertisements --

Aabot sa 100 tauhan ng Philippine General Hospital ang nabakuhanan kontra COVID-19 gamit ang gawa ng Sinovac ng China.

Ayon kay PGH Director Dr. Gap Legaspi, 20 hanggang 50 doses lamang ang una nilang pinaghandaan para sa ceremonial rollout ng COVID-19 vaccination program.

Subalit nabago ito matapos sabihin sa kanya ni Dr. Homer Co, ang in-charge sa micro planning, na sa palagay niya ay maraming tao ang darating para magpabakuna.

Ang 100 katao na babakunahan ay para lamang sa araw na ito, at sa mga susunod na araw ay mas papagandahin pa ng PGH ang kanilang sistema sa pagbakuna.

Tiwala naman si Legaspi na mas marami pang staff ng PGH ang magpapabakuna sa mga susunod na araw.

Ito ay kahit pa mababa ang bilang ng mga nagpatala sa kanila para tumanggap ng Sinovac COVID-19 vaccines.

Si Legaspi ang kauna-unahang indibidwal na naturukan ng Sinovac COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Sinundiyan siya ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan at mga eksperto sa larangan ng kalusugan at medisina kagaya na lamang nina FDA director general Eric Domingo, infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, MMDA chairman Benhur Abalos at vaccine czar Carlito Galvez.

Bukod sa PGH, dadalhin din ang mga dumating na bakuna kahapon sa Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, PNP General Hospital, Pasig City General Hospital, at V. Luna Medical Center.