-- Advertisements --

Binuksan na ng Pilipinas ang pintuan nito para sa foreign ownership ng malalaking geothermal projects sa bansa.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Energy na pinirmahan na ni Sec. Alfonso Cusi ang isang circular na naglalaman ng panuntunan sa proseso ng pagpili sa mga gagawaran ng renewable energy service contracts.

Nakasaad sa guidelines ng “third Open and Competitive Selection Process (OCSP3)” na maaari nang kontrolin ng mga dayuhang kompanya ang malalaking exploration, development at utilization projects na may kinalaman sa geothermal energy.

“From an investment perspective, OCSP3 allows for 100% foreign ownership in large-scale geothermal exploration, development, and utilization projects,” ani Cusi, na pumirma sa nasabing circular noong October 20.

Ayon sa DOE, maituturing na large-scale geothermal project ang isang proyekto kung may initial investment cost na itong aabot sa USD 50-million bilang kapital, sa pamamagitan ng isang kasunduan.

“Financial and Technical Assistance Agreements (FTAAs) may be entered into between foreign contractors and the Philippine government for the large-scale exploration, development, and utilization of natural resources, and are signed by the President.”

Nakasaad sa Saligang Batas na dapat 60% ang ownership ng mga Pilipino sa public utilities. Pero giit ng kalihim, pwede ang 100% ownership kung ang paguusapan ay renewable energy.

Sa gitna ng 2nd Global Ministerial Conference on System Integration of Renewables, sinabi ni Cusi na kailangan na talaga ng Pilipinas ng iba pang pagkukuhanan ng enerhiya.

Ito’y kahit itinuturing ang bansa na may pinakamayaman noong 2019 pagdating sa ambag sa total primary energy supply ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) region.

Magugunitang inirekomenda rin ng DOE kay Pangulong Duterte na ikonsidera ang nuclear energy bilang isa pang mapagkukuhanan ng enerhiya ng bansa.