Tinatayang 100 pasyente ng COVID-19 sa bansa ang sasali sa clinical trial ng anti-flu drug mula Japan na Avigan.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hinihintay na lang nila ang pagdating nang supply ng naturang gamot dahil aprubado na rin daw ang trials sa mga ito.
“Ito pong supply ng Avigan from Japan, ipapadala na po nila, may go signal na po na gawin ang clinical trial in the coming days. The Japanese government is providing supply for 100 patients,” ani Vergeire sa Laging Handa briefing.
“Ginagawa pa po namin ang protocol kung paano pipiliin ang mga ospital at kung sino sa mga pasyente ang isasali sa clinical trial. Kumukuha na po kami ng clearances from different institutions sa ating bansa.”
Ipinaliwanag ng opisyal na ang clinical trial ay boluntaryo at hindi sapilitan para sa mga pasyente.
May mga protocols daw na kailangang sundin sa clinical trial, gaya ng maayos na pagpapaliwanag ng mga doktor sa posibleng epekto ng gagamiting gamot.