Patay ang nasa sampung katao sa naganap na mass shooting sa isang supermarket sa Buffalo, New York.
Ito ay matapos na walang habas na magpaputok ang suspek na may edad na 18 taong gulang na lalaki gamit ang isang rifle na nakasuot ng military gear at body armor.
Sa isang pahayag ay nilinaw ni Buffalo, New York Mayor Byron Brown na dumayo pa ng ilang oras ang nasabing suspek at hindi ito nakatira sa nasabing lugar.
Naniniwala naman ang mga imbestigador sa naturang insidente na in-ere ng suspek livestream ang kanyang ginawang mass shooting dahil sa nakasuot ito ng helmet na may camera.
Ayon naman kay Sherriff John Garcia ay posibleng isang racially-motivated hate crime ang naganap na pamamaril.
Kasalukuyan naman nang nasa ilalim ng kustodiya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang nasabing suspek at mahaharap naman ito sa patung-patong na kaso tulad ng first degree murder.
Samantala, ipinahayag naman ni White House, Press Secretary Karine Jean-Pierre na nakarating na kay US President Joe Biden ang nangyaring pamamaril sa Buffalo, New York at tiniyak na patuloy itong makatatanggap ng mga update ukol dito.
Lubos naman na nagpaabot ng pakikiramay ang pamahalaan ng Estados Unidos at mga awtoridad sa mga iniwang pamilya ng mga biktima ng mass shooting.