-- Advertisements --

Umabot sa 10 dayuhan, kabilang ang apat na Israeli, ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa isinagawang operasyon sa General Luna, Surigao del Norte.

Ayon sa BI, nahuli ang mga dayuhan dahil sa paglabag sa mga batas ng Immigration gaya ng undesirability, overstaying, at pagtatrabaho nang walang kaukulang permit.

Bukod sa apat na Israeli, kabilang din sa mga inaresto ang dalawang Chinese, isang Lithuanian, isang Australian, isang Moroccan, at isang Nigerian.

Kasalukuyan silang nasa pansamantalang kustodiya ng General Luna Municipal Police Station habang hinihintay ang kanilang paglilipat sa Immigration detention facility.

Ang paghahain ng mga kasong may kaugnayan sa Immigration at ang pagsasagawa ng deportation proceedings ay kasalukuyang pinangangasiwaan ng BI.