-- Advertisements --

ROXAS CITY – Kasabay ng naging mainit na laro sa Game 1 ng 2022 NBA Finals, may hindi inaasahang sunog ang nangyari sa kasagsagan ng nasabing laro sa Barangay Cagay, lungsod ng Roxas.

Base sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Senior Fire Officer 2 Selvino Ross Jr., ng BFP-Roxas, naiulat ang sampung bahay na nasunog, pito dito ang totally burned samantalang tatlo ang partially burned.

Sinasabing nagsimula ang apoy sa bahay ni Dexter Humamoy, at mabilis na kumalat sa mga katabi pa nitong bahay.

Nagsimula ang sunog bandang alas-10:20 ng umaga at naideklarang fire out alas-11:54 ng umaga.

May alegasyon din sa nasabing lugar na ng dahil sa pinaglaruan na posporo ng isang bata, ang sanhi diumano ng apoy, ngunit ba-se sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga bumbero, lumalabas na dahil sa linya ng kuryente ang pinagmulan ng sunog.

Masuwerteng walang naiulat na nasugatan o namatay sa nasabing insidente.

Mabilis naman na nakapagbigay ng paunang tulong ang City government sa mga nasalanta ng sunog.