-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Biniberipika pa ng Caramoran Municipal Police Station sa Catanduanes ang identity ng suspek sa insidente ng pagnanakaw sa katabing bayan ng Pandan, na sinasabing konektado sa pagkamatay ng isang guro.

Pinatay sa saksak ang gurong si Mel-Rose Baloloy, 37-anyos, sa loob ng bahay nito kung saan pagnanakaw ang isa sa mga pangunahing tinitingnang motibo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Patrolwoman Myra Cenon, investigator on-case sa Caramoran-Philippine National Police (PNP), kahawig umano ng nahuling suspek sa Pandan ang isa sa inilabas na computerized artist sketches ng mga salarin sa pagpatay kay Baloloy.

Nakikipag-ugnayan na rin sa Pandan-PNP ang naturang himpilan upang matukoy kung tugma ito sa mga pagsasalarawan ng 13-anyos na anak ng biktima na nakasaksi sa krimen.

Nitong nakalipas na Sabado lamang, Nobyembre 9, nang ilabas ng pulisya ang mukha ng mga suspek.

Tumanggi na muna ang opisyal na pangalanan ang mga ito.

Samantala, patuloy ang apela ng PNP sa makakapagbigay ng impormasyon sa isa pang suspek sa krimen upang maresolbahan na ang kaso.