Pormal nang sinampahan ng kaso ng Pasay City Prosecutor’s Office ang sinasabing suspek sa pagpasok ng kuwestiyonableng foreign currency sa bansa.
Ayon kay Pasay City Chief Prosecutor Elmer Cris Rillo, ang suspek na si Simon John Rodriguez ay kinasuhan sa korte dahil sa paglabag sa Section 1401(e) ng RA 10863 na mas kilalang Custom Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular number 308 series of 2001 sa ilalim ng RA 7653 ng new central bank acts.
Ito ay base na rin umano sa rekomendasyon ng investigating prosecutor na humahawak sa kaso.
Setyembre pa noong 2029 nang isinailalim sa inquest proceeding si Rodriguez matapos naman itong ireklamo ng ilang tauhan ng Bureau of Customs (BoC) dahil sa hindi pagdedeklara sa ipinasok ng malaking halaga ng dolyares sa bansa na umaabot sa $700,000 o katumbas ng P35,000,000.
Sa isinagawang preliminary investigation ng Pasay City Prosecutors Office napagpasyahan nilang na isulong ang kasong paglabag sa Sec. 1401 ng Custom Modernization and Tariff Act sa korte laban kay Rodriguez.
Batay sa nakasaad na reklamo ng mga Customs officer sa pangunguna ni Tomas Maranan, pagdating ng respondent sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sept 26 ng nakalipas na taon ay nasabat sa kanya ang naturang halaga.
Nang busisihin, hindi ito nakapagprisinta ng ano mang dokumento na nagpapatunay na lehitimo ang ipinasok nitong salapi sa bansa.