Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang Japanese-German-Israeli na pugante at isa sa mga most wanted sa Japan dahil sa infringement ng Copyright Law.
Ayon kay BI Intelligence Officer Bobby Raquepo, head ng Fugitive Search Unit (FSU), ang suspek ay kinilalang si Romi Hoshino alyas Zakay Romi, 28-anyos na naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Linggo.
Sinabi ni Raquepo na ang banyaga ay napaulat na manager ng “Manga-Mura,” isang illegal viewing website ng Japanese cartoons na mas kilalang Manga.
Nag-operate ito noong Enero 2016 hanggang April 2018.
Sa pagtaya ng Association of Copyrights of Japan aabot sa 320 billion yen o 2.9 billion dollars ang damage ng operasyon ni Hoshino na itinuturing na worst violation sa kasaysayan ng Copyright Law ng Japan.
Ididitine muna sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang suspek habang hinihintay ang pagpapa-deport dito.