LA UNION – Palaisipan pa rin sa pulisya ang nangyaring pamamaril sa dalawang barangay kagawad kaninang madaling araw sa Barangay Camilo Osias sa bayan ng Balaoan, La Union.
Nakilala ang mga biktima na sina Jovito Lopez at Oliver Ostrea, kapwa kagawad ng Barangay Nalasin sa nasabing bayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Balaoan Police, galing umano ang dalawang biktima mula sa isang lamay sa Barangay Camilo Osias nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa kilalang salarin.
Tinamaan ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Lopez, habang sugatan naman sa kaliwang paa si Ostrea.
Kapwa isinugod sa Balaoan District Hospital ang dalawa ngunit nalagutan ng hininga si Lopes.
Apat na basyo ng bala ng cal .9mm at isang tingga ng hindi pa nababatid na uri ng baril ang nakuha ng mga police investigator mula sa crime scene.
Samantala, nasa mabuti ng kalagayan ang biktima na si Ostrea.