-- Advertisements --

CEBU – Patay ang isang ina habang dinala sa ospital ang kanyang walong kamag-anak matapos malason ng kinain nilang pufferfish sa Caubian Island sa Lapu-Lapu City noong Miyerkules, Agosto 3, 2022.

Bukod sa namatay na ina, nalason din ang kanyang asawa, apat na anak at tatlong apo na may edad 4, 5 at 9 na taong gulang.

Sa kasalukuyan, walong pasyente ang nasa mabuting kalagayan ngunit kailangan pa rin silang obserbahan sa loob ng 24 oras.

Ayon kay Dr. Eris Augusto, medical officer ng Sta. Rosa Community Hospital sa Olango Island, kumain ang mga pasyente ng buriring noong Miyerkules ng umaga.

Nakaranas sila ng panghihina ng katawan at pagkahilo bandang tanghali ng nasabing araw, lalo na ang ina na kumain sa loob ng bituka ng nasabing isda.

Kaya naman nagbabala si Dr. Augusto sa publiko na iwasang kumain ng buriring dahil ito ay nakakalason.