LEGAZPI CITY – Patay ang isang limang taong gulang, habang missing naman ang tatlong iba pa sa walong magkakamag-anak na inabutan ng Bagyong Jolina sa gitna ng karagatan ng Balud, Masbate.
Napag-alaman na mula sa kanilang lugar sa isang isla sa Barangay Sapatos sa Masbate ay nagdesisyon ang pamilya Bataican na magtungo sa Carles, Iloilo sakay ng kanilang bangka upang duon magpalipas ng bagyo pero inabutan sila ng masamang lagay ng panahon habang nasa laot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Aladdin Bonggon, hepe ng Balud PNP, sinabi nito na narekober na lamang ang bangkay ng limang taong gulang na biktima sa Barangay Pangueranan.
Kasalukuyang nagpapagaling pa sa ospital ang mag-asawang Romeo, 36; at Roda Bataican 35; kasama ang anak na si Romelyn, 14-anyos.
Nasagip sila ng mga rescuers habang sila ay nakakapit sa nasirang bahagi ng kanilang bangka sa gitna ng dagat.
Natulungan rin ng mga otoridad si Roldan Bataican, na lumangoy at napadpad sa baybayin ng Milagros.
Subalit nananatili pa rin na missing hanggang sa ngayon ang tatlo pang menor de edad na lulan din ng nasirang bangka.
Samantala hindi pa rin makausap ng maayos hanggang sa ngayon ang apat na narescue dahil sa trauma na dinanas mula sa insidente.










