KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa serye ng pamamaril na nangyari sa lalawigan ng Sultan Kudarat kasabay sa mismong pagdiriwang ng bagong taon.
Sa impormasyong ipinaabot ni Bombo correspondent Larry Geronio sa Bombo Radyo Koronadal, nasawi ang biktimang si Jade Nathaniel Nanales Pico, 15 anyos, at residente ng Brgy. Buenaflor, Tacurong City matapos pinasok umano ng hindi pa nakilalang mga suspek at binaril.
Isinugod ang biktima sa bahay pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, sugatan naman ang dalawang katao sa magkakahiwalay na pamamaril sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Unang kinilala ang biktimang si Orlando Pangcahas, 22 anyos at residente ng Sitio de Pan kung saan kritikal ang kaniyang kondisyon matapos binaril ng suspek na si Datu Kibel Mistura.
Habang sugatan rin ang biktimang si Allan de Arol, 30 anyos at isang driver matapos tinamaan sa mata nang binaril ng suspek gamit ang isang 12 gauge shotgun.
Kapwa isinugod sa Lebak District Hospital ang dalawa subalit inilipat sa Cotabato Regional Medical Center dahil sa maselan nilang kalagayan.
Patuloy na inaalam ng kapulisan ang posibleng motibo sa naturang mga insidente.