KORONADAL CITY – Patay sa isinagawang operasyon kontra iligal droga ang isang drug suspect matapos itong manlaban sa mga otoridad sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Sa impormasyong ipinaabot ng Esperanza PNP kinilala ang unang target na si Rolly Liboon Iwag, nasa ligal na edad at residente ng Brgy. Poblacion ng nasabing bayan kung saan nang isinagawa ang operasyon ay nakipagbarilan pa ang suspek sa mga otoridad gamit ang kalibre 45 na baril ngunit sa huli ay napatay din ito ng mga pulis.
Nakuha sa posisyon ng suspek ang pitong pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.
Samantala kaugnay sa nasabing operasyon ay nahuli din ang isang Judy Villaruel Bagaot, nasa ligal na edad at residente din ng Brgy. Poblacion, Esperanza, Sultan Kudarat kung saan narekober sa posisyon nito ang anim na pakete ng shabu at drug paraphernalia.
Sa ngayon nasa morge na ang bangkay ng drug suspect na si Iwag habang nakakulong naman si Bagaot at nahaharap sa kasong paglabag sa R A 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.