Hati ang emosyon ng Filipino fans na nanood sa unang araw ng kickboxing events para sa SEA Games 2019.

Isa kasi ang nanalo na umani ng masigabong palakpakan at sigawan ng home crowd, habang dalawa naman ang nabigo sa kanilang mga laban.

Wagi sa laban si Karol Maguide ng Pilipinas laban kay Serey Him ng Cambodia.

Ngunit kapwa tinalo naman ng kanilang mga katunggali sina Rex Rivera De Lara at Ruel Catalan.

Una rito, bahagyang naantala ang mga laban dahil sa ilang adjustment ng organizers.

Umaasa naman ang samahang Kickboxing ng Pilipinas na makakabawi ang Pilipinas sa mga susunod na araw ng kanilang laban, lalo’t buhos ang suporta ng mga manonood.

Isinasagawa ang kickboxing events sa Cuneta Astrodome, Pasay City.