-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa Barangay San Vicente Norte, Iriga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 49th Infantry Battalion Philippine Army,napag-alaman na nangyari ang nasabing engkwentro matapos na makatanggap ng ulat ang 49IB hinggil sa umano’y presensya ng mga rebelde sa nasabing lugar.

Nabatid ng tumagal ng nasa 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang kampo na naging dahilan ng pagkamatay ng isa sa mga miyembro ng rebeldeng grupo.

Ngunit, agad namang nakatakas ang iba pang miyembro ng grupo matapos ang nangyaring insidente.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16 rifle, mga kagamitan na ginagamit sa paggawa ng anti-personnel mines, terroristic propaganda materials at mga personal na kagamitan.

Kung maaalala, nitong linggo lamang ng madiskubre rin ng mga tropa ng pamahalaan ang hideout ng mga rebeldeng grupo sa Masbate na mayroong 23 mga kubo, kung saan nandoon rin ang kanilang training sites.

Sa kabila nito, ang pagiging matagumpay ng naturang mga operasyon ng tropa ng pamahalaan ay dahil pa rin sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon ng mga residente sa nasabing lugar sa mga awtoridad.